ANG POETIKA NG PINOY HAIKU

Binalangkas ang Pinoy Haiku bilang isang uri ng tulaing Filipino na naghahayag ng paghanga sa kalikasan at pagkalugod sa kapaligiran. Halaw ito sa haiku ng Hapon sa sinaunang bilang nitong labimpitong (17) pantig na nahahati sa tatlong taludtod at ang buong saknong ay may 5, 7, at 5 na pantigan. Samantala, sang-ayon naman sa nagpanukala, ang una at huling taludtod ng Pinoy Haiku ay may pitohang pantig, at ang gitnang taludtod ay may limahang pantig; sa kabuuang bilang na labing siyam (19) na pantig bawat saknong. Kaya’t ang Pinoy Haiku ay lumalabas na isang pagbabagong anyo ng haikung Hapones, ngunit ibinatay ito sa mga uri ng katutubong tula ng Pilipinas na tumutugma sa pitong pantig, tulad ng gawi sa ambahan, tanaga at diona. Ayon sa balangkas ng Pinoy Haiku, ang magaling na saknong ay nasa 7-5-7 pantigan at ang taludtod nito ay dapat may ganap na tugma sa a-b-a na tularang tugma. Higit sa lahat, dapat naghahatid ng talinghaga ang mga pagwawangis bilang kaaya-ayang sangkap ng tula.

 

Mga Pamantayan ng Katangi-tanging Pinoy Haiku: 

1. May labing siyam (19) na pantig ang bawat saknong/tula;

2. Nahahati ang tula sa tatlong taludtod (7-5-7);

3. Pitong pantig ang bilang ng sukat sa una at huling taludtod;

4. Limang pantig ang bilang ng sukat sa gitnang taludtod;

5. May ganap o karaniwang tugma ang una at huling taludtod;

6. Maaring gamitin ang karaniwang tugma, kung ang bigkas na malumay at mabilis, o malumi at maragsa ay pinagsasama sa mga huling pantig ng una at huling taludtod;

7. Angkop gamitin ang ganap na tugma, kung saan ang mga huling pantig ng una at huling taludtod ay nagtatapos sa iisang tunog. Tulad ng nasa susunod na halimbawa:

1112. may taki ang tagiti

March 20, 2014 ni Rey de Vera

dinadampi ng alon

dasal sa binhi

bumalabal na ambon

8. Ganap ang tugma ng “alon” at “ambon” dahil nagtatapos ang mga huling pantig sa iisang tunog na “on ngunit kung walang magandang dahilan ay isa na itong kalabisan. Higit na kalugod-lugod ang tulad ng nasa susunod na halimbawa:

1111. may sanib ang hari

March 20, 2014 ni Rey de Vera

dinadampi ng halik

bubot na lunti

lunod sa panaginip

9. Ganap pa rin ang tugma ng “halik” at “panaginip” kahit nagtatapos ang mga huling pantig sa magkasing-tunog na “ik” at “ip ngunit maituturing itong mas mahusay na katha. Maaring sikapin na hindi magamit ulit ang mga huling titik sa tugma ng m  n  ng  l  r  w  y     o      b  d  g  p  t  k  s  tulad ng nasa mga sumusunod na halimbawa:

980. diwang na pagsaluhan

April 17, 2012 ni Rey de Vera

huminimpil ang gabi

dilim ng lanaw

sinalimbay sa huni

 

1108. may dilag ang bisig

March 20, 2014 ni Rey de Vera

humalik nang banayad

rosas sa dibdib

mahigpit na niyakap

10. Ayon sa unang halimbawa, mapapansing walang inulit na titik sa m  n  ng  l  w  y  at sa pangalawang halimbawa, mapapansing walang inulit na titik sa b  d  p  t  k  s maliban sa titik g na inulit sa pamagat na mga salitang “dilag” at “bisig“;

11. Ang pinakamataas na antas ng pagkatha ng Pinoy Haiku ay maabot ang kakayahang pumili ng angkop na salita habang umiiwas sa mga kalabisan ng pag-uulit, tulad ng nasa susunod na halimbawa:

1300. may pasamba ang nanay

sinukob ng mandorla

handog na ilaw

kuminintal sa tilma

Dito ay sinikap na hindi gamitin ulit sa una at huling titik ng mga salita ang mga katinig na  m  n  ng  l  w  y  b  g  p  t  k  s  at patinig na maliban sa huling titik na a ng mga salitang nagtutugma “pasamba“, “mandorla” at “tilma“.

11. Ang payak na tularang tugma ng Pinoy Haiku ay a-b-a. Kaya’t ang pagkakatulad ng tunog nito ay nasa mga huling pantig ng una at huling taludtod. Ngunit ang mataas na antas ng pagkatha ng Pinoy Haiku ay kakikitaan ng mga panloob na tugma. Tulad ng nasa susunod na halimbawa:

1112. may taki ang tagiti

March 20, 2014 ni Rey de Vera

dinadampi ng alon

dasal sa binhi

bumalabal na ambon

12. Ang mga panloob na tugma sa saknong ay ang tugmaan ng “dinadampi” at “binhi”; at ng “dasal” at “bumalabal”; at ganoon din sa mga unang titik ng “dinadampi” at “dasal”; “binhi” at “bumalabal”; at “alon” at “ambon”;

13. Sinikap rin na patatagin ang tugmaan sa buong tula upang maging ganap ang pagkakaisa ng mga bahagi nito. Kaya’t naririto ang mga pinaka-mataas na antas ng palatugmaan magmula sa pamagat hanggang sa saknong:

palatugmaan A-1

A+A    (pamagat)

a+b/

b+A/

a+b

halimbawa:

1053. kutob(A) ng loob(A)               (A+A)

November 9, 2013 ni Rey de Vera

humuhugos(a) ang ulap(b)        (a+b)

gubat(b) sa bundok(A)   (b+A: tugma sa bundok ang kutob, loob)

may pasilod(a) na bitag(b)        (a+b)

 

palatugmaan A-2

B+A    (pamagat)

a+B/

b+A/

a+b

halimbawa:

1077. nahugas(B) ang kalawang(A)       (B+A)

December 21, 2013 ni Rey de Vera

pakabanlaw(a) sa dagat(B)   (a+B: tugma sa dagat ang nahugas)

batad(b) na buwan(A)    (b+A: tugma sa buwan ang kalawang)

dinalisay(a) ng ulap(b)                         (a+b)

 

palatugmaan B-1

C+C     (pamagat)

a+b/

a+C/

c+b

halimbawa:

1065. may tibok(C) na bundok(C)         (C+C)

December 1, 2013 ni Rey de Vera

lumagaslas(a) ang batis(b)                (a+b)

damag(a) ng tunog(C)  (a+C: tugma sa tunog ang tibok, bundok)

suminukob(c) sa yungib(b)           (c+b)

 

palatugmaan B-2

B+C     (pamagat)

a+B/

a+C/

c+b

halimbawa:

1073. nabitin(B) ang idlip(C)               (B+C)

December 10, 2013 ni Rey de Vera

di tumanggi(a) sa dilim(B)   (a+B: tugma sa dilim ang nabitin)

gabi(a) ng tagbik(C)                (a+C: tugma sa tagbik ang idlip)

paimpit(c) na halinghing(b)            (c+b)

 

palatugmaan C-1

A+A      (pamagat)

a+b/

c+A/

c+b

halimbawa:

1070. may toog(A) na matayog(A)        (A+A)

December 8, 2013 ni Rey de Vera

inuudyok(a) ang buwan(b)         (a+b)

puno(c) sa tuktok(A)  (A+A: tugma sa tuktok ang toog, matayog)

pulo(c) ng cayucyocan(b)           (c+b)

 

palatugmaan C-2

B+A      (pamagat)

a+B/

c+A/

c+b

halimbawa:

1016. bakas(B) ang yapos(A)                       (B+A)

May 14, 2012 ni Rey de Vera

nakatumpok(a) na ulap(B)    (a+B: tugma sa ulap ang bakas)

uban(c) ng gulod(A)                (c+A: tugma sa gulod ang yapos)

bulhaw(c) sa minamatyag(b)          (c+b)

 

14. Mapapansin na hindi inuulit ang mga salita;

15. Malimit ang paggamit ng mga katagang “ang”, “na”, “sa”, “ng”;

16. Bihira ang paggamit ng mga katagang “may”, “at”, “ay”, atbp.;

17. Karamihan ay may walong salitang susi (key words) kasama na ang nasa pamagat;

18. Kung maaari ay sa pamagat gamitin ang mga salitang basal (abstract);

19. Iwasang gamitin ang katulad sa pandiwang panahunan. Halimbawa: kung ginamit na ang salitang “humalik”, huwag nang gumamit ng “yumakap” na kaanyo ng panahunan (tense);

20. At dapat may nabubuong pagwawangis (metaphor) sa bawat pagtatambal ng mga salitang susi.

Tags:

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s


%d bloggers like this: